Ka”ibig”an

Ka”ibig”an

Hindi na bago ang sa isang araw ay magkausap tayo.

Hindi na rin bago ang araw-araw na pakikipag-usap ko sa’yo.
Wala na ring bago sa paghawak ko ng kamay mo,
O paghaplos sa braso mo.
Alam mo kung anong bago?
Ang kabahan ako nang tignan mo ako sa mga mata ko.

Kapag, tinatawagan mo ako.
Pagkakaalam ko normal ito, pero bakit kabado ako?
Bakit iniisip ko pa ang sasabihin ko sa iyo?
Bakit nag-aalinlangan ako?
Bakit ba nanginginig pa ang mga kamay ko sa pagkuha ng telepono?
Bakit hindi ko ata alam ang sasabihin ko?
Pero ang nakakapagtaka sa lahat, bakit gulat na gulat ata ako?
Bakit may kahalong ligaya ang kaba at gulat na ito?
Hindi ba’t magkaibigan tayo?
Hindi ba dapat normal na sa atin ito?
Hindi ba dapat kalmado lang ako
kasi lagi naman nang nangyayari ito?
Pero bakit ako ganito? Eh magkaibigan tayo?

Wala nang bago sa sabay tayo laging umuwi,
Sa pagiging magkatabi natin sa jeep gabi-gabi.
Wala nang bago sa minsanang pagpapalibre ko sa iyo
Sa kadahilanang hindi sapat ang barya sa bulsa ko.
Wala na ring bago sa pagpatong mo ng ulo mo sa aking balikat,
O ang minsanang ulo ko naman ang sa iyo ay lilipat.
Ang nakakapagtaka ang nerbyos ko,
At ang saya kasi mukhang magnobyo tayo.
Nakapagtataka’t pakiramdam ko nakukuryente ako sa mga oras na iyon,
nakakapagtaka’t kahit ngalay na ako
Ipinapanalangin kong hanggang Jolo ang byaheng ito.
Magkukunwari muna akong tulog sa ganitong paraan,
Nang maramdaman kong masasalo mo ako
Kahit sa pagtulog man lang.

Dumaan ang ilang araw, pakiramdam ko lumalala ito
Hindi na rin nakakatuwa ang mga kanta sa radyo,
Pati ang mga tugtugan sa cellphone ko.
Pakiramdam ko sinasadya nilang saktan ako,
Wala na akong ibang narinig kung hindi “oo nga pala hindi nga pala tayo”
At “di mo lang alam naiisip kita, baka sakali lang maisip mo ako.”
Hindi na nakakatuwa ang pagpasok ko ng kanto sa gabi,
Hindi ko alam kung bakit parang ako’y sasabog ata,
Baka nitong makalawa maamin ko na. Pero hindi dapat ‘di ba?
Kasi magkaibigan tayo. At, hanggang doon lang ‘di ba?

Lumipas ang ilang linggo, nadatnan mo akong umiiyak,
Lumapit ka sa akin, at tumakbo ako sa iyo at ika’y niyakap.
Pinunasan mo ang aking mga luha habang sinasabi kong “nalulungkot ako.”
Umupo ka sa tabi ko’t sinabing “Makikinig ako.”
Ngunit hindi ako nagsalita, hinayaan kong mabasa mo sa mga luhang umaagos,
Sa mga mata kong namumugto, sa mga kamay kong pilit kang hinahaplos.
Hinayaan kong mabasa mo sa aking paghikbi, na hindi maari.
Hindi maaaring sabihin ko sa iyo, at hindi maaaring mapakinggan mo.
Hindi maaaring malaman mo, na mahal kita, at layuan mo ako.
Hindi ko hahayaang mawala ka dahil sa katangahan ko,
Hindi ko hahayaang magbago ang lahat dahil sa nararamdaman ko.

Kailangan kita at alam kong kailangan mo rin ako.
Ngunit hindi sa paraang alam ng ibang tao.
Kailangan kita hindi dahil tropa’t totoo tayo.
Kailangan kita hindi dahil galing lahat ng assignments ko sa iyo.
Kailangan kita higit sa paraan at dahilan na naiisip mo.
At alam kong kailangan mo ‘ko dahil bukod sa kaibigan mo ako,
Kailangan mo ako kasi narito ako para sa iyo buong buhay mo.
Ikaw, kailangan kita, kasi mahal kita.

Mahal kita, at alam kong mahal mo ako.
Pero hindi sa paraang gusto ko, hindi sa paraang kailangan ko.
Mahal kita sa paraang hindi dapat, at sa paraang hindi ko gusto.
Mahal kita sa kadahilanang hindi ko malinaw, ngunit pawang ikinagugulat ko.
Mahal kita higit pa sa pagkakaibigang ito.
Ngunit mas mahal kita bilang kaibigan ko.

Magkaibigan tayo, pero hindi sa paraang alam ng mga tao.
Magkaibigan tayo, pero hindi sa paraang inakala mo.
Sabi nila, walang kaibigang na naglilihim at nagsisinungaling sa isa’t isa,
Kaya kabigan, patawad kung kinailangan kong itago ang totoong nararamdaman ko.
Patawad kung kailangan kong magkunwari na hindi ako apektado sa lahat ng meron sa iyo.
Patawad kung iniibig kita, kahit alam kong ang tanging pag-ibig na meron ka para sa akin
ay nasa pagkakaibigang ito lamang.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: