Suntok sa Buwan – Session Road

“Ian! Natanong mo na ba kay Ma’am kung kailan ipapasa iyong magazine?” sabi ko kay Ian habang nagle-layout sa laptop niya, kasalukuyan siyang nakahiga sa sofa at naglalaro sa cellphone niya.

“Oo, next week Monday raw.” ni-hindi siya lumingon habang sinasagot ang tanong ko.

“Alam mo, dapat project ko lang ito eh. Collaborative efforts daw, pero halos ako lahat ang nag-effort dito!” pagmamaktol ko habang patuloy pa ring inile-layout ang magazine na midterm namin sa journalism.

Hindi pa rin tumitingin sa akin si Ian ngunit tumatawa siyang sumagot sa sinabi ko. “Grabe ka naman! Tumulong naman ako ah! May lima kaya akong article diyan!”

“Limang article din naman pinasa ko, ako pa nag-layout. Ako pa rin ang photographer, ngayon ako pa rin layout artist! Collaborative effort daw pero tayo ang magkasamang nagle-layout? Asaan na ang tatlo pa nating groupmates aber?” pagmamaktol ko. Pero sa totoo lang nagbibiro lang ako, hindi ko naman kayang magalit nang todo sa mga groupmate ko.

“Ay hayaan mo na. Andiyan ka na eh! Saka, makasumbat ka diyan, mahilig ka kayang mag-layout. Huwag ka nang mag-inarte, andiyan ka na eh! Meron kapang 6 days! Kaya mo iyan!” pag-aliw sa akin ni Ian.

“Lokohan tayo eh.” kinuha ko ang isang bote ng tubig sa tabi ko at isang tunggaang ininom ito.

“Bale tumador ka na pala ano?” bumangon si Ian sa pagkakahiga at naglakad palapit sa ref nila.

“Tanga, ininom ko lang ng isang lagok tumador agad. Inaantok na kasi ako, alas sais na hindi pa rin ako natutulog.” kinusot ko ang mga mata ko at nagpatuloy sa ginagawa ko.

Bumalik sa sofa si Ian ngunit naglapag siya ng isang platito na may sandwich sa tabi ko. “Kain ka muna ulit, matulog ka muna sandali pagtapos mong kumain, gisingin kita ng mga tanghali.”

“Hindi kaya magdire-diretso tulog ko? Alam mo namang tulog mantika ako ‘di ba?” tanong ko sa kanya at saka kumagat sa sandwich.

“Bubuhusan kita ng malamig na tubog kapag hindi ka nagising.” pagbabanta niya.

“Isusumbong ko sa nanay mong bading ka kapag ginawa mo iyon Sige, subukan mo ako.”

“Uy tanga ka. Mamayang gabi pa naman dating ng mga iyon so mabibigo ka.” pang-aasar niya.

“I have ways!!” nginuya’t nilunok ko na ang huling bahagi noong sandwich at isi-nave sandali ang ginawa ko. “Tulog muna ako ha. Gisingin mo ako ng tanghali.”

“Ay siya, matutulog na rin ako, tara bes tabi tayo!” ani ni Ian habang tinatanggal ang electric fan sa saksakan.

“Akala ko ba gigisingin mo ako ng tanghali? Bakit sasabay ka sa akin ng pagtulog?” umupo ako sa sofa para makatulog na rin.

“Inantok din ako bigla eh. Wala rin akong tulog friend! Hiya ko na lang tulugan ka.” binuhat ni Ian ang electric fan paalis sa sala nila.

“Hoy! Paano ako matutulog kung tatanggalan mo ako ng electric fan?” pagmamaktol ko habang nakahiga sa sofa.

“Tumabi ka na sa akin sa kwarto. Huwag kang maarte.” sabi ni Ian habang naglalakad papasok sa kwarto niya.

“Tae, ‘di ako makakatulog nang may katabi.” sabi ko, ngunit bumangon na rin ako para sumunod kay Ian sa kwarto niya dahil wala akong pamimilian.

“Hindi ako malikot matulog promise!” isinaksak na ni Ian ang electric fan nang makarating ako sa kwarto niya. Agad kong isiniksik ang sarili ko sa sulok ng kama at kinuha na ang kumot. “Maglagay ka na lang ng unting space sa pagitan natin para ‘di ka magising agad.”

“Sige lang.” sabi ko. Pumorma na rin siya ng higa sa kama nang mabuksan ang electric fan. “Makakatulog ka kaya agad?” pabirong tanong ni Ian habang kinikiliti ang leeg.

“King ina mo, patulugin mo akong bading ka.” sabi ko habang iniiwas ang kamay niya sa leeg ko.

“Haha. Para kang dikya eh.” pabiro niyang sabi atsaka inilagay ang kamay sa likod ng ulo niya. “Paano kaya kung hindi tayo magkaroon ng asawa pareho? Tuloy ba iyong planong titira tayo sa iisang bahay pareho?”

Humarap ako sa kanya habang nakahiga. “Siguro? Malay mo. Pero sana naman magka-asawa tayo pareho ‘no? Kawawa naman tayo in the future.”

“Oo nga, nakita ko nga iyong article mo sa mag. ‘Yong tungkol sa lalaking gusto mong pakasalan pero alam mong suntok sa buwan?”

Kinabahan ako habang naririnig ang tanong niya, pero natapos ang tatlong taon, alam ko naman na siguro kung paano ibahin ang usapan. “Ah, iyon. Imposible kasi talaga iyon. Kung may mas malala sa suntok sa buwan, iyon iyon. Haha! Pero, kung sakaling titira tayo sa iisang bahay, mag-alaga tayong pusa ha!”

“May hika ako, tanga. Pero, bakit naman imposible? Malay mo may pag-asa ka naman? Pessimistic ka lang masyado?” at bigo ako sa pagpapalit ng topic.

“Wala. Wala talaga eh.” sabi ko. Humiga ako nang tuwid at tumitig sa kisame.

“Sinubukan mo bang sabihin? Alam niya ba?”

“Bakit ka ba nagtatanong? Hahaha!”

“Hindi mo kasi nakwento sa akin ito, ni-minsan. Wala kang nabanggit na ganito.”

“Eh malay mo ‘di siya totoo? Malay mo kathang isip lang iyang sinulat ko?”

“Eh ‘di dapat iyona ng una mong sinabi noong nabanggit ko iyong article mo, pero hence ang isinagot mo ‘wala, wala talaga eh’” Lumakas ang tibok ng puso ko, may alam na kaya siya tungkol dito? O baka naman wala pa, kino-corner niya lang ako?

“Tanga ka. Matutulog na ako.”

“Sure ka ba na siya talaga gusto mong pakasalan? Iyong tipong hanggang ngayon ni hindi mo naisip na magbabago desisyon mo?” pumaling siya sa kaliwa para tignan ako.

“Hindi. Hindi ko siya gustong pakasalan. Pero gusto ko siyang makasama habangbuhay kaya wala sigurong pinagkaiba ang dalawang iyon. Tatlong taon ko ring inisip iyon eh. Haha! Inabot ako ng tatlong taon para isulat lahat sa hinayupak na article na iyan.” napabuntong-hininga ako, nakatingin pa rin siya sa akin. “Sa loob ng tatlong taon pakiramdam ko aatakihin ako sa puso dahil sa pagtatago ko ng nararamdaman ko, pero wala naman akong magagawa. Kinailangan kong gawin iyon. Hindi naman ako makasarili para isantabi lahat ng meron kami para lang malaman niya ang nararamdaman ko.” pumaling ako sa kanan para humarap sa kanya, at nagulat ako nang makitang nakatingin pa rin siya sa akin. “Hindi ko naman talaga gusto na gusto ko siya. Pero wala na akong magagawa. Hindi rin naman siya magiging akin, kaya hindi na rin ako umamin.”

“Bakit hindi ka umamin?”

“Kapag umamin ako, baka lalo siyang mawala. Hindi na nga siya akin mawawala pa siya? Hindi na nga niya ako gusto, bigla pa siyang lalayo? Huwag namang ganoon!”

“Pero paano kung siya ang unang umamin sa iyo?” napatingin ako sa mata niya, ngunit imbes na saya, dobleng lungkot ang nadama. Kaya napangiti na lang ako at hinalikan siya sa noo.

“Huwag na tayong maglokohan, alam nating parehong hindi mangyayari iyon. Good night Ian!”

“Sus.” iyon na lang ang nasabi niya inagaw niya ang kumot ko’t binati ako pabalik. “Good night Jean!”

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: