Ruler

Ruler

Iba ka sa lahat ng nagustuhan ko. Pangako! Hindi mo na kailangang itanong kung bakit.
Maniwala ka sa akin.
Iba ka sa lahat ng nagustuhan ko
Malamang magugulat ka rin na matapos ng mahabang panahon, heto ako’t umaamin na
Ikaw pala ang gusto ko.

Hindi ito tula ng pag-amin ng nararamdaman,
Ito ay tulang pag-amin ng natatangi kong katangahan
Wala akong planong ibaon ito habambuhay
Pero sana, sa pagkakataong mapakinggan mo ito
At naramdaman mong para sa iyo ito,
Kalimutan mo na lang.
Kunwari isa lang itong patalastas
Pinaghihirapan, pero lagi mong pinapalampas.

Nagustuhan kita. De, gusto pa rin pala kita.
Pero hindi sa paraang naiisip ko nang ikakasal tayo.
Siguro sa paraang ang pangarap ko’y nagmula sa’yo
Hindi sa paraang hindi ako makatulog sa gabi sa kaiisip
Lalo’t hindi sa paraang tinitigyawat ako sa ilong pati na sa pisngi
Gusto kita sa paraang, feeling ko ang ganda ko at ang long ng hair ko,
Pero dahil bulag sa katotohanan, di ko napansin na mas mahaba pala hair mo
Mas mahaba sa lahat ng mahahabang gusto mo
Mahahabang buhok, mahahabang pasensya, iba pang mahahabang bagay na meron ka naman pero hinahanap mo pa rin
Tulad ng mga mahahaba mong braso’t binti
Na dahilan kung bakit kapag lumapit ako sa iyo, pakiramdam ko ang ikli
Kasing ikli ng pasensya ko kada maririnig na kitang tumitili.

Kabado ako kapag nakikita kita. Totoo!!
Iba iyong talon ng puso ko, iba tindig ng balahibo ko.
Pero kahit anong tindig nito, “olats” pa rin.
Iba naman kasi hinihintay mong tumindig.
Mas matigas ang gustong mong manindigan para sa iyo
Kasing tigas ng buhok kapag hindi ako nag-shampoo
Kasing tigas ng puso ng ibang tao kapag may nagmamakaawa sa kanila
Kasing tigas ng ulo ko kapag nakikita ko na naman ang sarili kong lumalapit sa tabi mo
At parang tutang magpapapansin, kahit alam kong itataboy mo.
Mas matigas pa ang paboritong mong ice candy nina Mang Juan kaysa sa kilos at galaw mo.
Mas matigas pa ako sa iyo.

Pero hindi mo alam dahil sa iyo, di ako nakakaimik nang ayos
Kahit anong gawin mo, ang dila ko’y kusang bumabaluktot.
Kaya napapatahimik na lang, baka ano pang lumabas sa bibig.
Baka malaman mo bigla na ikaw ang ibig.
Baka umiwas ka bigla at sabihin mong “di pwede”
Tulad ng pagnanais mong isuot ang paboritong sapatos ng ate mo
Pero dahan-dahan mo itong ibinabalik sa sapatusan pagkat alam mo sa sarili mong hindi pwede.
Sinisilayan kita kapag nakaharap ka sa salamin.
Minsan ipinapanalangin kong, ako naman ang bigyan mo ng pansin.
Sa akin mo naman ituon ang atensyon mo,
Malaman mo man lang na may gusto ako sa iyo.

Pero imposible, ang pagkakagusto naman kasi sa isang tao ay parang paghihintay ng jeep sa iskarol
Kahit animnapung jeep pa na pa-Sta. Cruz ang tumambay sa harap mo,
Kung San Pablo naman ang hinahanap mo, walang saysay ang dami ng nag-aabang sa iyo
Kahit animnapung beses ko pang tawagin ang pangalan mo,
Kahit animnapung beses pa kitang kindatan, mahanginan man, at maging permanente man
Kung hindi ako o tulad ko ang hinahanap mo
Walang saysay ang pagbuhos ko ng panahon ko sa’yo.

Nakakainis lang.
Ang hirap isipin na isa ka sa pinakatipo ko,
Pero mas mahirap isipin na parehong lalaki ang ating tipo.
Minsan, pakiramdam ko ang tanga ko kasi may porsyento sa aking umaasa sa iyo,
Umaasa na baka nananaginip lang ako, at paggising ko, ako na rin ang gusto mo
Baka naman joke time lang ito, baka naman matapos ng mahaba pang panahon at nasa TV show pala ako.
Baka naman may pag-asa pa ako?
Baka naman kahit papaano mapagtanto mong pinaglihi ka pala sa ruler at babae talaga ang gusto mo?

Baka naman oh.
Hindi naman sa pinipilit kita.
Pero, baka lang naman.

Iba ka kasi talaga sa lahat ng nagustuhan ko.
Alam kong nakakagulat isipin na sa isang katulad mo, nagkagusto ako.
Hindi pala nagkagusto, kasi hanggang ngayon, kahit babae ako, at alam kong lalaki ang hanap mo, ikaw pa rin ang gustung-gusto ko.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: