Mga Nakilala ko sa Pinaka-Astig na Inumang Napuntahan Ko

“Susuka pero hindi susuko.” Ito ang pinakatumatak na linya mula sa kaibigan ko habang pinag-uusapan namin ang magaganap na pa-swimming sa amin ng isa naming tropa. Ang magiging swimming ay selebrasyon ng kaarawan niya at ng pagtatapos namin, dahil ginanap ito pareho nang Mayo.

Nang sumapit ang araw ng swimming. Isa-isa na kaming nagsidatingan sa bahay ng tropa namin sa Lipa. Nauna ang taga-Candelaria, Quezon, doon na siya natulog dahil matagal nga naman ang byahe mula Quezon Province hanggang Lipa. Sumunod ang mga taga-San Pablo, Laguna, itinaon ata talaga nila na brunch ang dating nila para tipid sa pagkain. Sumunod ang mga taga-Calamba, na namalengke pa para sa mga iihawin. At kung sino pang mga taga-Sto. Tomas at Tanauan, Batangas lang, sila pa ang mga nahuling magsidating. Pero ayos lang din naman dahil dala namin ang kani-kanilang toka, at toka sa isang tropa naming taga-Sto. Tomas na itago natin sa pangalang “Bubbles” ang apat na litrong lambanog, na taas noo niyang iniyayabang sa amin na malakas ang tama ngunit walang hangover.

Nang makarating sa resort sa Ibaan, Batangas, nagbigay muna kami ng mensahe sa bawat isa (pati na rin sa mga mas batang kasama namin sa pagdiriwang na iyon). Matapos noon, ang iba’y nagsitalunan na sa pool. Ang iba’y nagsimula nang mag-ihaw. Si Bubbles pinagtimpla na namin lambanog, at ako, kasama na ang mga tropa ko, itago natin sa pangalang “Juanis” at “Geisha”, ay naiwan sa videoke para may buhay naman ang paligid. Makalipas ang ilang oras, unti-unti nang nauubos ang apat na litrong lambanog, na halos anim na tao lang ang umiinom; kasabay nito ang pag-awit ng kantang I Wanna Dance With Somebody ni Tita mo Whitney, at ang pagsayaw sa harap ng videoke machine. Matapos ng pangyayaring iyon, medyo nagkandalabu-labo na ang mga pangyayari, at dito ko na nga natuklasan ang iba’t ibang uri ng manginginom (mula sa pinaka-astig na inumang napuntahan ko).

1. Si Baron Geisler na sinapian ng Hinagpis ni Judy Ann Santos (aka Ang Madramang Nananakit)

Alam naman nating lahat na nitong mga nakaraang taon, si Geisler ay nasangkot sa iba’t ibang mga isyu ng pananakit. Ang lasing na ito ay ang kaibigan mong nambabato ng tsinelas kapag pinipilit mong pakalmahin siya at kapag hindi ka naniniwalang hindi siya lasing. Siya rin ang tropa mong parang si Juday na iniiyak na ang lahat sa buhay niya matapos kang duraan sa mukha dahil pinipilit mo siyang uminom ng kape para mahulasan.

Akala namin normal pa si — itago natin siya sa pangalang “Dodong (babae)” — noong hinahabol ang ibang mga lasing pa. Sumisigaw siya ng “Hindi ako lasing! Kaya ko sarili ko! Alam ko ang ginagawa ko!” Matapos ng higit kalahating oras, nakahiga na siya sa paladpad ng pool at umiiyak dahil sa aso niyang may sakit.

Pinipilit siyang painumin ng kape ng ilang tropa namin ngunit nanghahampas siya ng tsinelas. At kapag pinipilit mo siyang tumayo sa kinauupuan niya, duduraan ka niya. At matapos noon, iiyak siyang muli habang isinasalaysay ang kwento kung bakit nahihiya siyang magsabi sa pamilya niya. At mumurahin ka niya nang matindi dahil hindi ka nakikinig sa kanya.

2. Si Sailor Moon na Major in Astronomy

Dapat ninyong malaman na arkilado namin ang buong resort. At iisa lamang ang pool nito, kaya naman pinalilibutan ng mga ilaw na puti, ang bawat sulok ng pool.

Noong una, akala namin namamalikmata lang si Juanis nang sabihin niyang may nakita siyang bulalakaw. Pinalagpas na namin ito dahil baka nga may dumaang bulalakaw na hindi namin nakita. Laking gulat namin nang marinig naming sumisigaw siya ng “Tatlo ang buwan!!! Tatlo ang buwan!!!”

Habang pinagpipilitan niyang tatlo ang buwan, hinayaan naming ituro niya sa amin ito. Halos gumulong kami kakatawa nang ang ituro niyang mga buwan ay ang mga streetlight na walang sindi. Hindi pa siya nakuntento, pinangalan niya pa ang tatlong ito: Venus, Jupiter, at Juanis (pangalan niya mismo).

Pilit naming pinapapatulog si Juanis ngunit pinagpipilitan niyang hindi siya lasing at kami raw ang OA. May ilang mga kaibigan na akong hindi na nakapagpigil at napasigaw na lamang ng “Bobo ka!!! Paano ka makakakita ng tatlong buwan? Eh ni-isa sa langit wala!”

Nang mahulasan, inamin niyang tanga siya sa parteng pinaglalaban niyang tatlo ang buwan, pero hanggang ngayon, ipinaglalaban niya pa ring may nakita siyang bulalakaw na para raw asteroid.

3. Si Gabriela Silang: Ang Babaeng nakakita ng Aparisyon

Isa ito sa pinaka-nakakapangmurang nangyari sa pinaka-astig na inumang pinuntahan ko.

Habang abala ang lahat sa pagpapahulas ng tatlong (pa lang noon, sumunod si Dodong), magkadikit si Juanis at ang isa pa naming kaibigan si Bubbles na nag-iikot sa buong resort para hanapin ang natitirang lambanog.

Habang iniisip kung nasaan nga ba nahuhuling bote ng lambanog, umupo sila ni Juanis sa hagdan ng resort. Tumingala si Bubbles at sinabing “Hala!! Nakita ko si Hesus.” nang marinig ko ito agad akong lumingon sa kung saan para makita ang hesus na tinutukoy niya. Hagalpak ako sa pagtawa nang makita ang crucifix na nakadisplay sa isang pinto ng kwarto ng resort. “Ito na ata ang senyales na mag-madre ako.” sabi niya habang nagsa-sign of the cross.

Matapos nito naglibot muli ang dalawa at sa wakas ay nakita na ang natitirang bote ng lambanog. Nang mahawakan ito ni Bubbles, niyakap niya ang bote at tumalon sa halos 6 feet na pool na parang nakataya dito ang buhay niya. At nang matanto niyang hindi niya na abot ang sahig, dali-dali siyang lumangoy pabalik sa hagdan at ininom ang laman ng bote.

 

Nang mapanood ko ang video ng mga pangyayari sa pinaka-astig na inumang napuntahan, nagpapasalamat ako na hindi ako gaanong nagpakalasin. Mas masayang panoorin ang mga lasing kaysa makiisa sa mga lasing. Hanggang sa uulitin!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: